PatrolPH

Deadline sa pagsali ng PUV sa kooperatiba pinalawig

ABS-CBN News

Posted at Mar 01 2023 07:34 PM

Watch more News on iWantTFC

Sa ikalimang pagkakataon, pinalawig ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang palugit sa industry consolidation ng Public Utility Vehicle (PUV) Modernization Program.

Ibig sabihin nito'y binibigyan ang mga operator at tsuper ng mas mahabang panahon para sumali sa mga kooperatiba at korporasyon, mula sa dating deadline na Hunyo 30.

Ito'y kasunod ng pulong ng LTFRB sa ilang transport groups tulad ng Alliance of Concerned Transport Organizations (ACTO), Alliance of Transport Operators and Drivers Association of the Philippines (Altodap), Federation of Jeepney Operators and Drivers Association of the Philippines (Fejodap), Liga ng Transportasyon at Operators ng Pilipinas (LTOP), Pasang Masda, Piston, Stop and Go, at grupo ng UV Express.

Maglalabas ang LTFRB ng bagong memorandum circular kaugnay sa extension ng deadline at pag-aaralan kung may aamyendahan sa mga probisyon, tulad ng pagdaragdag ng bilang ng mga kooperatiba sa mga ruta.

Inaasahang lalabas ang bagong memorandum sa loob nang 2 linggo.

Sa kabila ng extension ng deadline ng industry consolidation, walang preno ang Manibela sa pagkakasa ng isang linggong tigil-pasada sa buong bansa mula Marso 6 hanggang 12.

"In-extend mo nga pero gusto mo pa rin akong isama sa existing cooperative," ani Manibela Chairperson Mar Valbuena.

LINK:
https://news.abs-cbn.com/news/02/27/23/tigil-pasada-sa-marso-6-12-ikinakasa

Ayon pa sa mga transport group na nakipagpulong sa LTFRB, kinikilala nila ang ikakasang tigil-pasada ng Manibela.

"Iginagalang namin at inirerespeto ang kanilang (Manibela) mga gawain. Kaming grupo, nagkaisa kami na kausapin ang [LTFRB] chairman para hindi na tayo umabot sa magulong sitwasyon," ani Obet Martin ng Pasang Masda.

Sinabi naman ni Transport Secretary Jaime Bautista na hindi agad ife-phase out ang mga jeepney kung kulang ang supply ng sasakyan.

"Puwede namang i-extend pa rin 'yan kasi sinasabi ko nga, hindi naman natin puwedeng stop operations ang mga sasakyan kung kulang ang suplay," ani Bautista.

Muling binuksan ng Department of Transportation ang pinto para sa dayalogo kasama ang Manibela para pag-usapan ang tigil-pasada at ang mga hinaing ng grupo ukol sa modernization program.

— Ulat ni Lady Vicencio, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.