MAYNILA - Ipinanawagan ng Senado sa Philippine Amusement and Gaming Corporation (Pagcor) na itigil muna ang operasyon ng e-sabong sa bansa.
Dalawampu't tatlong senador ang pumirma sa Senate Resolution 996 na nananawagan sa Pagcor na suspendihin muna ang operasyon ng e-sabong at ipahinto ang operasyon nito habang hindi pa nasosolusyunan ang kaso ng 31 nawawalang sabungero.
Pitong e-sabong operators ang apektado sa resolusyon ng Senado. Ito ang mga sumusunod:
- 7 Belvedere Vista Corporation
- Lucky 8 Star Quest, Inc.
- Visayas Cockers Club
- Jade Entertainment and Gaming Technologies
- Newin Cockers Alliance Gaming Corporation
- Philippine Cockfighting International, Inc.
- Golden Buzzer
Maliban kay Senator Leila de Lima na kasalukuyang naka-detine sa Camp Crame, pumirma sa resolusyon ang 23 iba pang mga senador.
Una nang sinabi ni Senate Public Order Committee Chairman Ronald "Bato" Dela Rosa na payag si Pangulong Rodrigo Duterte sa panawagan ng Senado na suspendihin ang operasyon ng e-sabong.
Ngunit hanggang nitong Martes ay wala pang pinipirmahang utos ang pangulo.
Itutuloy ng Senado ang pagdinig sa Biyernes, Marso 4. Kinukonsulta na rin ni Dela Rosa si Senate President Vicente Sotto III kung maaari na silang magdaos ng face-to-face hearing para rito.
Samantala, maliban sa pagpapatawag sa negosyanteng si Atong Ang na siyang may-ari ng 3 arena kung saan naganap ang umano'y pagdukot sa 31 nawawalang sabungero, sinabi ni Dela Rosa na haharap rin sa komite ang mga testigong kanilang nakuha.
Gigisahin rin umano sa pagdinig ang mga manager at security guard ng mga cockpit arena na naka-duty nang mangyari ang insidente.
KAUGNAY NA ULAT
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.