Mga tsuper umaaray sa pagsasara ng Tandang Sora flyover

ABS-CBN News

Posted at Mar 01 2019 08:27 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Umaaray ang ilang tsuper sa nakaambang pagsara ng Tandang Sora Flyover at intersection sa Marso 2 dahil may epekto raw ito sa kinokonsumo nilang gasolina, oras, at pasahe. 

Isasara ang flyover para magbigay-daan sa konstruksiyon ng MRT-7 Tandang Sora station. Kaakibat din nito ang paglalatag ng alternatibong ruta at U-turn slot na gagamitin ng mga motoristang apektado ng pagsasara ng intersection. 

Bukod dito ay inilipat na ang mga loading at unloading zones ng mga bus at jeepney, bagay na ikinadismaya ng driver na si Ronald Udoy. 

"'Yung ikot namin matatagalan, bawas kita, dagdag konsumo ng diesel," aniya. 

Tingin naman ng transport network vehicle services (TNVS) driver na si Jojo Sabe, malaking perwisyo ito sa kanila lalo na't taon ang itatagal ng proyekto. 

"Kung one year to two years 'yan, ang laking perwisyo... Hindi naman siguro tatapusin ng dalawang taon 'yan; sa Japan nga buwan lang inaabot kahit ga'no kalaki ang project nila eh," dagdag niya. 

Tiniyak ni MMDA General Manager Jojo Garcia na malaking ginhawa ang tatambad sa publiko 'pag tapos na ang proyekto. 

Aminado siyang dapat hintayin ang pagpapatayo ng elevated U-turn slots bago ipasara ang flyover. Pero aniya, hindi na raw dapat ma-delay ang proyekto na noon pa na-postpone. 

"Sabi ko nga, everyday na magkaro'n ng delay sa project ng gobyerno nadadagdagan 'yung sasakyan natin. Habang nadadagdagan 'yan, nadadagdagan din ang obstruction sa kalsada dahil sa parking, wala namang parking 'yang mga 'yan eh. So as much as possible ayokong magkaro'n ng delay ang mga projects," ani Garcia. 

Ayon kay Garcia, sa Agosto pa mabubuksan ang elevated U-turn slots na ihinihirit nila. 

PAGHAHANDA 

Maglalagay ng signages ang MMDA sa paligid ng construction site at pansamantalang u-turn slots.

Nagkaroon na rin ng clearing operations ang MMDA para madaanan ang mga alternatibong ruta. 

Mag-e-extended duty rin daw ang mga enforcer ng MMDA para manduhan ang trapiko lalo na sa gabi. 

Kaakibat din ng pagsara ng flyover ang mabigat na trapiko sa Commonwealth Avenue kaya muling hinikayat ni Garcia ang pagka-carpool para mabawasan ang volume ng sasakyan. 

Iginiit din ng MMDA na sapat na ang impormasyong ibinigay nila sa publiko ukol sa pagsasara. 

Magsisimula ang pagsara sa Marso 2 (Sabado), alas-11 ng gabi. 

-- Ulat ni Doris Bigornia, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.