PatrolPH

Lalaki sugatan matapos mabangga ng trailer truck sa Maynila

ABS-CBN News

Posted at Mar 01 2019 04:53 PM | Updated as of Mar 01 2019 05:10 PM

Lalaki sugatan matapos mabangga ng trailer truck sa Maynila 1
Natagpuan ng mga rescuer ang biktima na nakahandusay sa southbound lane ng Taft Avenue. Screengrab

Duguan at puno ng sugat ang isang lalaki matapos mabangga ng isang trailer truck sa Taft Avenue, Maynila nitong madaling araw ng Biyernes. 

Natagpuan ng mga rescuer ang biktima na nakahandusay sa southbound lane ng Taft Avenue corner Padre Faura street noong alas-2 ng madaling araw. 

Kuwento ng driver ng trak na si Antonio Fajardo, galing silang Balut, Tondo papuntang Carmona, Cavite para kumuha ng mga tinitindang damit nang mapansin nila ang isang kalabog. 

"Narinig namin may kumalabog. Tinabi ko naman. Bumaba 'yung pahinante ko sabi niya wala kaya umalis na kami," sabi ni Fajardo.

"Wala naman akong nakita. Huminto talaga kami. Wala kami nakita," depensa ni Edgar Baynosa, pahinante. 

Pero pinasinungalingan ito ng mga nakakita, at sinabing mabilis ang pagpapatakbo ng truck driver.

"Naka-red ang stop light, umaandar sila. Mabilis. Tapos nu'ng nakatama sila, tinatawag namin sila, sumisigaw kami na may natamaan sila. Hindi sila tumigil," sabi ng saksi na si Bensar Abundo.

Nahabol ng mga pulis ang dalawang suspek sa bandang Quirino kung saan sila hinuli.

Hindi pa kilala ang biktima, na dinala sa Philippine General Hospital para gamutin. 

Nahaharap ang driver sa mga kasong reckless imprudence resulting in physical injuries at paglabag sa city ordinance na nagbabawal sa mga trak sa Taft Avenue

—Ulat ni Ernie Manio, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.