Death sentence pinagtibay vs Pinay na underage nang mag-OFW

ABS-CBN News

Posted at Mar 01 2019 09:30 PM | Updated as of Mar 01 2019 09:42 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Pinagtibay ng Court of Appeals sa Jeddah, Saudi Arabia ang hatol na kamatayan sa isang Pinay na nakapaslang umano sa kaniyang among babae noong 2016. Napag-alamang menor de edad ang Pinay nang mangyari ang insidente.

Taong 2017 nang hatulan ng kamatayan si alyas "Zoraida" at noong Huwebes inilabas ng korte ang pagpapatibay nito sa naunang desisyon. 

Base sa detalyeng nakalap ukol sa kaso, 17 anyos pa lang si Zoraida nang mangyari ang krimen.

Tinututukan ng konsulado ang kaso lalo't sinasabing ito ang unang kaso na sangkot ang isang menor de edad na Pinay.

Malaking katanungan naman kung paano nakalusot papuntang Saudi Arabia ang Pinay lalo't 23 ang minimum age of deployment ng gobyerno. 

"Of course we got her a lawyer already and we are making representations with our counterparts, considering minor nga talaga, pero sa tingin ko ang medyo nakakaalarma diyan paano nakarating ang 17 years old dito sa Saudi Arabia considering the minimum age of deployment is 23," sabi ni Sarah Arriola, undersecretary ng Department of Foreign Affairs.

Dumating si Zoraida sa Saudi noong Marso 2016 para magtrabaho bilang isang kasambahay. 

Ayon sa konsulado, napatay umano ni Zoraida ang kaniyang amo matapos masaksak ng gunting dahil sa pagtatalo.

"Self-defense" ang katuwirang inihain ng abogadong humahawak sa kaso ni Zoraida.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.