7 Chinese timbog sa online illegal gambling sa Makati

Michael Delizo, ABS-CBN News

Posted at Mar 01 2019 02:02 AM

MAYNILA - Arestado ang 7 Chinese sa umano'y kasong illegal online gambling sa ikinasang operasyon ng pulisya sa Makati nitong Huwebes.

Nag-ugat ang operasyon sa search warrant na inisyu ng Makati City Regional Trial Court Brach 36 kung saan nasa 20 katao ang target ng operasyon.

Pero iilan lang ang nadatnan ng mga pulis sa bahay na sasampahan ng paglabag sa Cybercrime Prevention Act.

Samantala, habang papunta sa lugar ang mga operatiba, isang SUV ang nasita ng mga pulis dahil sa panggigitgit sa convoy ng mga awtoridad.

Nagpakilala pang pulis ang motorista na nainis sa bilis ng takbo ng mga sasakyang kasabayan niya sa Amorsolo Ave., Makati kaya ilang beses na nag-overtake at nag-cut sa daan.

Nagsibabaan ang mga pulis para makipag-usap sa lalaki, at nang malaman ng motoristang mga pulis ang kinut sa daan, agad siyang humingi ng tawad at sinabing nagbibiro lang siya nang magpakilala siyang pulis.

Dinala na siya sa presinto para pagpaliwanagin.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.