8 Chinese arestado sa 'sosyal' na subdivision dahil sa online pasugalan

ABS-CBN News

Posted at Mar 01 2019 05:32 PM | Updated as of Mar 01 2019 06:47 PM

Sinalakay ng mga awtoridad noong Huwebes ng gabi ang isang bahay sa eksklusibong subdivision sa Makati City matapos makatanggap ng ulat na may ilegal na online pasugalan sa lugar. 

Bitbit ang search warrant, sinuyod ng pulis at mga tauhan ng Bureau of Immigration (BI) ang bahay kung saan nakita nila ang tabi-tabing desktop at laptop computers na naka-access sa mga gambling website na Chinese. 

Ayon sa pulisya, walang business permit ang operasyon sa lokal na pamahalaan o accreditation man lang sa Philippine Amusement and Gaming Corporation (Pagcor). 

Modus daw ngayon ng mga dayuhan na mangupahan sa mga sosyal na lugar para di mahalata ang ilegal na operasyon. 

"Napakaraming info na nakuha tayo lalo na sa posh villages na may nagrerenta. Ito nakakapagbayad agad ng malaki pati mga advanced deposit andiyan na kaagad. After mag-stay doon maraming ibang nakikita and this has been reported to us," ayon kay Police Major General Guillermo Eleazar, hepe ng National Capital Region Police Office (NCRPO). 

Arestado ang pitong lalaki at isang babaeng Chinese na naabutan sa loob ng bahay. Halos lahat hindi marunong mag-Ingles at isa lang ang may working visa. 

Depensa naman ng nag-iisang nakakaintindi ng Ingles, estudyante siya sa Pilipinas at bumisita lang sa bahay. 

"I just came here and had no idea what happened... My friend just arrived today and invited me," sabi niya. 

Sabi ni Eleazar, paiigtingin nila ang operasyon, partikular na sa mga eksklusibong subdibisyon.

"Sa China kasi bawal ang sugal, kaya't andito sila... We need the reports and cooperation of those who are affected by their operation. In the case of villages, 'yung mga homeowners association ang kakausapin," ani Eleazar. 

Nahaharap sa mga kasong illegal gambling at paglabag sa Anti-Cybercrime Law ang mga Tsino at posible ring mapa-deport.

—Ulat ni Anjo Bagaoisan, ABS-CBN News
 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.