3 sundalo patay sa hiwalay na pananambang ng BIFF

Arianne Apatan, ABS-CBN News

Posted at Mar 01 2019 04:57 PM

Pabalik na sa kampo sina Private Nelier Jhon Pinto at Private First Class Junard Estribor kasama ang isa pang sundalo at isang babae nang tambangan sa Datu Salibo sa Maguindanao. Arianne Apatan, ABS-CBN News


COTABATO CITY – Tatlong sundalo ang nasawi sa dalawang magkahiwalay na pananambang sa lungsod na ito at sa Maguindanao, Huwebes ng hapon.

Napatay sa Cotabato City si Staff Sergeant Levi Lardera habang sa Datu Salibo sa Maguindanao naman pinagbabaril sina Private Nelier Jhon Pinto at Private First Class Junard Estribor.
 
Ayon sa report, minamaneho ni Lardera ang kaniyang motorsiklo papasok sa trabaho Huwebes ng tanghali nang buntutan at pagbabarilin ng dalawang lalaking sakay din ng motorsiklo sa may Sinsuat Avenue.

Sa isa pang anggulo na kuha ng CCTV sa lugar, makikita ang mabilis na pagtakas ng dalawang salarin na kapwa may takip ang mukha.

"Tinamaan siya sa kamay at likod. Hindi natin tinatanggal ang possibility na job-related," ayon kay Police Lt. Col. Joan Maganto.

Nakaburol na sa kampo ng 6th Infantry Division ng Philippine Army ang mga labi ni Lardera na natalaga sa Military Intelligence Battalion at 21 taon sa serbisyo bilang sundalo.

Unti-unti namang tinatanggap ng misis nito ang nangyari. 

“Masakit na wala nang katuwang pero kailangan magpakatatag," sabi ni Weng Lardera.

Tinambangan naman sa Datu Salibo, Maguindanao sina Pinto at Estribor na sakay ng pulang kotse, Huwebes ng hapon habang pabalik sa kanilang kampo sa Datu Saudi Ampatuan galing Midsayap, North Cotabato.

Sugatan din sa insidente ang isa pang sundalong si Private Muqtadir Sampulna at isang babae na kasama din nila sa sasakyan.

Sina Pinto at Estribor ay mga sundalo mula sa 57th Infantry Battalion ng Philippine Army.

Inako naman ng grupong Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF) ang dalawang insidente ng pananambang.

Sabi ni BIFF Bungos faction spokesperson Abu Missry Mama, ganti nila ito matapos na mabaril ng umano’y tropa ng gubyerno ang kanilang operations officer.

“Siyempre naman nag-revenge tayo. Hindi ko naman sasabihin na sa amin kung hindi sa amin. Ganon talaga," sabi niya.

Sa gitna ng mga naitalang pamamaril na pawang mga sundalo ang biktima, magpapatuloy at mas palalakasin pa umano ng militar ang kanilang operasyon kontra sa BIFF. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.