2 pekeng dentista, arestado sa Bacolod

Nico Delfin, ABS-CBN News

Posted at Mar 01 2019 03:57 AM

BACOLOD CITY - Dalawang umano'y nagpapanggap na mga dentista ang arestado sa magkahiwalay na operasyon sa lungsod na ito Huwebes ng hapon.

Inireklamo ang dalawa ng Philippine Dental Association (PDA) Negros Occidental chapter matapos mapag-alamang wala silang professional license.

Sa kaniyang dental clinic sa Hernaez Street sa Barangay 36 inabutan ng awtoridad ang isang 50 anyos na suspek.

Wala ring business permit ang clinic kaya kinompiska ng National Bureau of Investigation ang kaniyang mga medical at dental equipment.

Ayon sa assistant ng suspek, hindi niya alam na wala itong lisensiya.

Arestado rin ang isang 35 anyos na babae.

Ayon kay Special Investigator 3 Geovel Aperio, haharap sa kasong paglabag sa Republic Act 9484 o Philippine Dental Act of 2007 ang dalawa.

Ang operasyon ay parte ng kampanya ng PDA sa lalawigan upang mapangalagaan at maiiwas ang publiko sa peligrong dulot ng medical at dental malpractice.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.