Suspek sa panghahalay sa Swiss national, arestado

Charmane Awitan, ABS-CBN News

Posted at Mar 01 2018 04:23 PM

BUTUAN CITY – Nasa kustodiya na ng awtoridad ang isang sound system operator matapos maaresto sa sumbong na panghahalay ng isang Swiss national sa Siargao Island nitong nakaraang linggo.

Ayon sa General Luna Police Station, nagtungo sa kanilang himpilan ang 24-anyos na biktima upang ireklamo ang panggagahasa sa kaniya ng di pa kilalang lalaki.

Agad na nagsagawa ng imbestigasyon ang pulisya sa lugar kung saan ibinaba ang biktima matapos ang insidente.

Nakilala naman ng isang residente ang suspek.

Galing umano sa isang party ang biktima at pauwi na sa kaniyang tinutuluyang hotel nang pasakayin siya sa motorsiklo ng suspek.

Sa halip na ihatid sa hotel, dinala ang biktima sa isang abandonadong bahay at doon ginahasa.

Nasampahan na ng kasong rape ang suspek.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.