Stations of the Cross sa 'La Presa,' maaaring buksan sa Semana Santa

Melinda Ramo, ABS-CBN News

Posted at Mar 01 2018 07:59 PM | Updated as of Oct 22 2018 01:07 AM

Bukas daw ang Department of Environment and Natural Resources (DENR) na payagan ang mga turista na umakyat sa Stations of the Cross sa Mt. Cabuyao sa Tuba, Benguet sa paparating na Semana Santa.

Ito'y sa kabila ng Permanent Environmental Protection Order na inilabas ng DENR noong 2015 na nagbabawal sa mga turistang bumisita dito para maprotektahan ang lugar.

Ilang minuto ang layo mula sa central business district, hamog at magandang tanawin ang sasalubong sa mga bibisita sa Mt. Cabuyao. 

May mga istatwa ng mga karakter sa Bibliya. Makikita rin ang mga eksena ilang oras bago maipako si Hesus sa krus. Life-size ang mga istatwa. May dasal pang kasama ang bawat eksena na nakaukit sa bato. 

Ito ang "Stations of the Cross" na makikita sa Mt. Cabuyao. Isa ito sa mga kilalang pasyalan sa Tuba lalo na tuwing Semana Santa. Ilang metro rin ang layo ng mga istasyon sa bawat isa pero sulit naman ang lakad.

Ayon sa DENR, maaaring buksan ang Mt. Cabuyao sa mga bibisita sa Stations of the Cross kung makakakuha ng permiso mula sa Diocese of Baguio. 

Ang mga deboto ay maaaring makipag-ugnayan sa diocese sa schedule ng pag-akyat dito.

Pero mabuksan man, may mga kondisyon daw sa mga aakyat dito.

"Kunwari ang purpose ng activity, Stations of the Cross, after that bababa na sila, wala nang ano (ibang gawain) and, of course, they should manage their own waste” ani Ralph Pablo, Regional Director ng DENR-CAR.

Umaasa naman ang alkalde ng Tuba na si Mayor Ignacio Rivera na bubuksan ito sa mga bisita sa darating na Semana Santa. Nakahanda umano silang makipagtulungan lalo na sa paghahakot ng basura.

Umaasa rin siyang mabuksan na ito para sa turismo bukod sa panahon ng Semana Santa kung papayagan sila ng DENR.

“Sana po kung payagan ng DENR. Pero kailangan lang controlled. Saka ma-identify lang iyong mga dapat pasyalan," ani Rivera

Nakita ni Rivera ang interes ng mga turista na umakyat sa Mt. Cabuyao lalo na nang makilala ito bilang "La Presa" sa teleseryeng pinagbidahan nina Liza Soberano at Enrique Gil. 

Magandang alternatibo rin umano ito sa mga turista lalo na sa mga gustong umiwas sa masikip na trapik sa Baguio at La Trinidad.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.