Pamilya Demafelis, kumbinsidong si Tuballes ang recruiter ng pinaslang na anak

Regi Adosto, ABS-CBN News

Posted at Mar 01 2018 08:45 PM | Updated as of Mar 01 2018 09:00 PM

Kumbinsido ang pamilya ng pinaslang na overseas Filipino worker (OFW) na si Joanna Demafelis na si Agnes Tuballes ang nag-recruit dito para magtrabaho sa Kuwait.

Ayon sa ina ni Demafelis na si Eva, si Tuballes talaga ang recruiter ng anak dahil kamag-anak nila ito at sa karatig barangay lamang nakatira sa bayan ng Sara, Iloilo.

Dagdag pa niya, hindi naman niya sinisisi si Tuballes ngunit dahil sa nangyari, maganda umano kung makatutulong ito sa pagbibigay ng impormasyon sa mga awtoridad upang matunton ang mga nasa likod ng ahensiya na nag-recruit sa pinaslang na OFW noong 2014.

"Hindi naman siya namin sinisisi, pero sa ganitong nangyari, sana tulungan niya naman kami para mahuli ang taga-agency," ani Eva.

Watch more in iWant or TFC.tv

Ang kapatid naman ni Demafelis na si Joejet, may hinanakit kay Tuballes dahil umano wala itong naitulong sa kaniya.

Wala rin umano silang narinig mula kay Tuballes mula nang hindi na nila matawagan ang kapatid, hanggang sa nagsara na ang ahensiyang kaniyang inirekomenda.

Ayon pa kay Joejet, malinaw na recruiter si Tuballes dahil marami na itong natulungang makaalis papuntang abroad sa kanilang lugar.

Hindi pa rin umano siya handang makita si Tuballes at maaring kausapin na lamang ito kasama ang mga awtoridad matapos ang libing ng kapatid. 

Samantala, wala namang tao sa bahay ni Tuballes sa Barangay Zerudo sa Sara.

Ayon sa kaniyang mga kapitbahay, marami nang natulungang makaalis si Tuballes, at ang ilan sa kanila ay may mga kaanak na nagtatrabaho sa ibang bansa sa tulong nito.

Nauna nang itinanggi ni Tuballes na siya ang nag-recruit kay Demafelis.

Aniya, inirekomenda lamang niya ang ahensiyang dati niyang pinagtrabahuhan dahil hindi ito nagpapabayad ng placement fee.

Nakatakdang ilibing sa Sabado si Demafelis. 

Natagpuan ang katawan ni Demafelis sa loob ng freezer sa isang abandonadong apartment sa Kuwait noong isang buwan, higit isang taon ang lumipas mula nang mawala ito. 

Nahuli na noong nakaraang linggo ang kaniyang mga employer na Lebanese at Syrian na umano'y nasa likod ng pagpatay. 

Dahil sa insidente at iba pang ulat ng pagkamatay at pang-aabuso sa mga OFW sa Kuwait, ipinagbawal na muna ng gobyerno ang pagpapadala ng mga migrant worker doon.