'Palpak': Duque, sinabihang magbitiw sa DOH dahil sa Dengvaxia

ABS-CBN News

Posted at Mar 01 2018 05:17 PM | Updated as of Oct 21 2018 01:10 PM

Binatikos ng isang opisyal ng Public Attorneys Office (PAO) si Department of Health (DOH) Secretary Francisco Duque III dahil umano sa paraan nito ng paghawak sa isyu ng bakunang Dengvaxia. 

Ayon kay PAO Forensics Unit Chief Dr. Erwin Erfe, hindi umano natutugunan ni Duque ang mga hinaing at pangamba ng mga nabakunahan ng Dengvaxia. 

"Araw-araw makikita mo may namamatay, naka-confine, sinisingil. He continues to fail the people. Sa tingin ko kinakailangan na siyang mag-resign eh. Kinakailangan natin ng isang makatao na secretary of Health," panawagan ni Erfe kay Duque. 

Pero sagot ni Duque, dapat daw maunawaan ng publiko na hindi simpleng usapin ang isyu ng Dengvaxia. 

Mayroon na rin umanong hakbang ang iba't ibang opisina sa ilalim ng kanilang ahensiya gaya ng Food and Drug Administration (FDA), na ngayon'y nakikipag-ugnayan na sa Singapore dahil sa naging "warning" ng Sanofi sa kanila noong 2015 pa. 

Sa simula pa ay magkasalungat na ang posisyon ng PAO at DOH sa umano'y masamang epekto ng Dengvaxia sa mga naturukan nito. 

Nakakita kasi ng "pattern" ang PAO nang isailalim sa autopsy ang mga bangkay ng mga batang namatay na naturukan ng Dengvaxia.

Paniniwala naman ng DOH, hindi pa sapat ang mga ebidensiyang nakalap para ganap na sabihing Dengvaxia nga ang sanhi ng mga pagkamatay. 

Nagsimula ang isyu sa bakuna nang ianunsiyo ng Sanofi Pasteur na maaaring makasama ang Dengvaxia kapag naiturok sa taong hindi pa nagkakasakit ng dengue. 

Inilabas ang anunsiyo lagpas isang taon matapos maibigay ang bakuna sa lagpas 800,000 indibidwal. --Ulat ni Dominic Almelor, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.