Pagliban ni Sereno, 'consensus' ng SC; Chief Justice, nag-sorry sa 'kalituhan'

ABS-CBN News

Posted at Mar 01 2018 05:53 PM | Updated as of Oct 22 2018 10:31 AM

Watch more in iWant or TFC.tv

Pinasaringan ng 13 mahistrado ng Korte Suprema ang mga tagapagsalita ni Chief Justice Maria Lourdes Sereno dahil sa idinulot na kalituhan ng mga pahayag nila sa media.

Sa opisyal na statement ng Supreme Court (SC) na binasa ni spokesperson Theodore Te, nilinaw ng mga justice na ang en banc ang nagdesisyon na lumiban muna si Sereno sa trabaho.

"[T]he Justices present arrived at a consensus that the Chief Justice should take an indefinite leave...The Court En Banc regrets the confusion that the announcements and media releases of the spokespersons of the Chief Justice have caused," ayon sa pahayag ng SC. 

Noong Martes, sinabi kasi ni Atty. Jojo Lacanilao, tagapagsalita ni Sereno, na "personal" na desisyon ng punong mahistrado na magliban.

"No, she's not forced. It's her personal decision to go actually on leave. There is nothing, I think, that we can show based on records that the Supreme Court has done to force her in any way to actually take this leave," ani Lacanilao sa isang panayam sa ANC.

Para sa mga mahistrado, nagresulta ang mga pahayag ng kampo ni Sereno sa "pagkasira" ng integridad ng SC at ng buong hudikatura.

"[The statements] seriously damaged the integrity of the Judiciary in general and the Supreme Court in particular," anila.

Tila pinatamaan din ng mga mahistrado ang kanilang pinuno dahil "inaasahan" umano sa isang Chief Justice na hindi nito babaguhin ang anumang anunsiyo ng korte. 

"This matter shall be dealt with in a separate proceeding," pangako ng SC. 

Dahil dito, humingi ng paumanhin si Sereno dahil sa magkasalungat na pahayag. 

"It is unfortunate that my plan of making use of an already approved wellness leave...was inaccurately conveyed, for which I apologize," ani Sereno sa isang pahayag. 

Habang wala si Sereno ay si Senior Associate Justice Antonio Carpio muna ang tatayo bilang acting chief justice.

Watch more in iWant or TFC.tv

Sa kabila naman ng kaliwa't kanang panawagan na siya'y magbitiw, marami pa rin ang naniniwala na walang sapat na batayan para i-impeach si Sereno.

"You only file a case of impeachment kung may glaring na ginawa 'yung tao. Ito, walang glaring na ginawa. Kinasuhan na lang at naghahanap sila ng kung anong ikakaso sa kaniya. That is so opposite against the procedure ng pag-iimpeach," ani Sis. Mary John Mananzan ng grupong Movement Against Tyranny.

"Ang atake kay Chief Justice, isang attack hindi lang dahil siya ay babae...pero atake ito sa institution na kinakatawan niya...at 'yung independence dapat ng democratic institutions sa ating lipunan," giit naman ni Joms Salvador, secretary general ng Gabriela.

Dobleng dagok ang kinakaharap ni Sereno dahil bukod pa sa nakaambang impeachment ay may nakasampa na ring quo warranto case na kumukuwestiyon sa pagkakatalaga niya sa Korte Suprema. 

Sa kabila nito, nanindigan ang punong mahistrado na wala siyang balak magbitiw at "inaabangan" na niya ang kaniyang paglilitis sa Senado. 

--May ulat nina Christian Esguerra at Ina Reformina, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.