Itinurong 'recruiter' ni Demafelis, lumutang; mga paratang, itinanggi

ABS-CBN News

Posted at Mar 01 2018 01:00 PM | Updated as of Mar 01 2018 09:55 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Lumantad na ang itinuturong recruiter ng pinaslang na overseas Filipino worker (OFW) sa Kuwait na si Joanna Demafelis, at pinabulaanan niyang siya ang nag-recruit sa namatay na manggagawa.

Sa isang press conference ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG), humarap si Agnes Tuballes upang linisin umano ang kaniyang pangalan at bigyang-linaw kung papaano napadpad si Demafelis sa Kuwait. Naglabas din ng hinaing si Tuballes. 

Giit niya, hindi siya recruiter ni Demafelis at lalong hindi siya ang umasikaso sa mga papeles nito.

Bagkus, siya lamang aniya ang nag-refer dito sa isang lehitimong agency noong 2013, habang siya ay nagtatrabaho bilang household helper sa Hong Kong.

"Hindi ko siya ni-recruit...Chinat ako ni Joanna, sabi niya 'tita puwede mo ba akong tulungan? Gusto kong mag-abroad' Ni-refer ko siya doon sa Our Lady Of Mount Carmel. Sabi ko doon ka mag-apply," pagdedetalye ni Tuballes. 
    
Inamin naman ni Tuballes na nakatanggap siya ng komisyon sa pag-refer kay Demafelis bilang dati din aniya siyang empleyado ng naturang agency. 

Samantala, umalma naman si Tuballes sa paglalabas ng kaniyang larawan at pagdawit sa kaniya sa pagkamatay ni Demafelis. 

"Ngayon nabu-bully po ako doon sa social media. Pati anak ko apektado...Kaya sana naman bago kayo maglabas ng statement, kunin niyo muna ang statement ko. Kasi di naman ako ang pumatay kay Joanna eh tumulong lang po ako para makalabas," umiiyak na hinaing ni Tuballes. 

"Ngayong nasira na po ako. Ang trabaho ko apektado, sinong magpapakain sa dalawa kong anak?" 

Nilinaw naman ng CIDG na hindi itinuturing na suspek si Tuballes sa kaso ni Demafelis.

Noong nakaraang buwan lamang nadiskubre ang bangkay ni Demafiles sa isang freezer sa Kuwait.

Nahuli na rin ang dalawa niyang amo na suspek sa krimen.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.