Iningudngod sa inidoro, minaltrato: OFW sa Kuwait, na-rescue

Maxxy Santiago, ABS-CBN News

Posted at Mar 01 2018 06:41 PM | Updated as of Mar 01 2018 07:35 PM

Ikinuwento ni Marjorie Lizada (nakatalikod) kay ABS-CBN Middle East correspondent Maxxy Santiago ang dinanas niyang kalupitan sa Kuwait.

KUWAIT CITY – Naingudngod sa inidoro, sinuntok, sinampal.

Ilan lamang ito sa pangmamaltratong dinanas umano ng isang overseas Filipino worker (OFW) sa kamay ng kaniyang dalawang napagsilbihang amo sa Kuwait.

Halos mangiyak-ngiyak pa rin si Marjorie Lizada habang ikinukuwento ang pinagdaanan niya sa Kuwait bago siya na-rescue nitong Martes ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) Augmentation Team.

“'Yung anak niya po nagbibigay po ng KD5 (Kuwaiti Dinar) para lang mahawakan lang ang dibdib ko. Hindi ko po tinanggap kasi ayaw ko po baka kasi po 'pag tinanggap ko uulitin niya nang uulitin,” sabi niya.
 
Tubong Taguig City ang 26-anyos na si Lizada. Hindi pa rin siya makapaniwala na dadanasin niya ang ganitong buhay sa Kuwait.

“Minaltrato po ako ng anak niyang babae. Sinampal po ako, sinusuntok tapos nginudngod po niya ako sa inidoro. May mga pasa po ako noon kaso wala pong cellphone na puwedeng picturan ang pasa ko kasi kinuha po ng amo kong babae. Tapos noong araw po na iyon ibinenta po niya ako sa ibang agency,” dagdag ni Lizada.

Maging ang ikalawang amo ni Lizada ay minaltrato rin siya.

Nilinaw din ni Lizada ang unang napabalitang natuklap pati kuko niya dahil sa pangmamaltrato. Paliwanag niya, sobrang galawgaw ng 10-taong gulang na alaga niya at pagkatalon nito ay dumiretso sa kaniyang paa kaya napaangat ang kuko nito.

"Sinabi ko po kaso di naman po nila ako dinala sa ospital. Pinabayaan lang po ako," sabi niya.

Bago pa man kumpiskahin ng kaniyang ikalawang amo ang cellphone niya, nakahingi na siya ng saklolo sa kaniyang pamilya sa Pilipinas. Agad namang umaksiyon ang Philippine Overseas Labor Office (POLO) sa Kuwait.

“Kinontak namin 'yung agency niya at nagpunta kami doon sa police station kasi alam namin ang batas dito na hindi mo puwedeng kunin sa bahay [ang OFW] dahil it's trespassing. Naging cooperative naman iyong police. Ibinigay namin ang letter tapos tinawagan 'yong employer," sabi ni Welfare Officer Mario Antonio, head ng OWWA Augmentation Team.
 
Binanggit din ni Antonio na ayaw pa umanong pumayag ng employer na kunin si Lizada pero mismong ang hepe ng pulisya ang nagsabi sa kaniya na dapat ipadala sa kanila ang OFW.

Sa ngayon ay inaayos na ang POLO ang pagpapauwi kay Lizada sa Pilipinas. 

Patuloy na dumarami ngayon ang nagpapa-rescue sa Kuwait at tumatakbo sa shelter. 

Ito'y matapos magpatupad ng repatriation program ang gobyerno ng Pilipinas para makauwi ang mga OFW sa Kuwait na nais nang bumalik sa bansa. 

“Presently, mayroon tayong 850 na wards sa center, at every day may dumarating pa rin. Regarding doon sa congestion, we’re still finalizing 'yung sa negotiation para sa additional shelter,” sabi naman ni Nestor Burayang, office-in-charge ng POLO-Kuwait.

Tuloy-tuloy pa rin ang repatriation ng wards sa shelter bukod pa sa pagpapauwi sa mga undocumented OFWs na nag-avail ng amnesty sa Kuwait.

Ipinagbabawal pa rin ng gobyerno ang pagpapalipad ng mga OFW patungong Kuwait. 

Ito'y sa gitna ng sunod-sunod na pagkamatay at mga ulat ng pang-aabuso ng mga OFW sa Gulf state, kabilang na ang kaso ni Joanna Demafelis, na natagpuang patay sa isang freezer sa Kuwait noong nakaraang buwan. 

Naaresto na ang mga amo ni Demafelis na pangunahing suspek sa kaniyang pagkamatay. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.