3 magkakaibigan, naaktuhan sa shabu session sa Caloocan

Dennis Datu, ABS-CBN News

Posted at Mar 01 2018 01:44 PM

MAYNILA - Kalaboso ang 3 magkakaibang naaktuhan umano ng pulisya habang gumagamit ng shabu sa isang bahay sa Barangay 176, Bagong Silang, Caloocan, Huwebes.

Hindi naman itinanggi nina Eduardo Serra, Mhel Yambao at Jhonnu Salita ang paggamit nila ng shabu dahil anila'y minsan lang daw sila magkasama-sama.

Nahuli sila ng pulisya sa kasagsagan ng "One Time Big-Time Operation" ng Caloocan police. Mahaharap sila sa kasong paglabag sa Dangerous Drugs Act.

Samantala, umabot naman sa higit 100 lalaki at babae ang nadampot sa ikinasang operasyon na isinagawa sa Bagong Silang at Camarin sa Northern Caloocan ngayong Huwebes.

Kabilang sa dinampot ng pulisya ang mga nag-iinuman sa kalye at mga nakahubad. Higit 20 motorsiklo at traysikel din na walang mga kaukulang papeles ang kinumpiska.

Kung dati'y pinapagpush-up ang mga nahuhuli sa ordinansang curfew, ngayon tutuluyan na silang kasuhan. Ito ay upang ipakita na seryoso sila sa pagpapatupad ng batas, ayon sa pulisya.

Ang mga first offender naman ay pagmumultahin ng 2,000 pesos pero ang mga hindi makakabayad at mga second offender na ay kakasuhan.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.