Suspek umano sa Maguindanao massacre, arestado

Arianne Apatan, ABS-CBN News

Posted at Mar 01 2017 05:50 PM

Arestado sa Pikit, North Cotabato ang isang dating pulis na sinasabing isa sa mga suspek sa Maguindanao massacre.

Sa kopya ng warrant of arrest na mula sa Regional Trial Court, National Capital Judicial Region Branch 221 sa Quezon City at pirmado ni Judge Jocelyn Solis Reyes, nakasaad ang kasong murder laban kay PO1 Jonathan Engid.

Si Engid ay sinasabing isa sa mga suspek ng Maguindanao Massacre noong taong 2009 kung saan mahigit sa 50 katao ang pinatay, kabilang na ang mga mamamahayag.

Ayon kay Chief Inspector Donald Cabigas, alas-singko ng umaga kahapon nakipag-coordinate sa kanila ang elemento ng Regional Intelligence Unit kaugnay sa operasyon laban kay Engid.

"By 7 a.m., ginawa na nila ang operation. Paalis sana yung si Engid nang dumating yung mga taga RIU," pahayag ni Cabigas.

Sugatan naman si Engid sa isinagawang operasyon at nagtamo ng dalawang tama ng bala sa katawan.

Si Engid ay dati umanong pulis na nakadestino at residente ng Maguindano pero ngayon ay naninirahan na sa Baranagay Batulawan, Pikit, North Cotabato.

“Nagtangka sigurong lumaban kaya nabaril. Hindi rin natin alam baka dito nag tatago lang," dagdag pa ni Cabigas.

Si Engid ay nananatili ngayon sa isang pagamutan sa Kidapawan City.

Nakatakda naman itong dalhin ng mga otoridad sa Maynila para maipresenta sa korte.