Mga Katoliko, maaga sa Quiapo para sa Ash Wednesday

ABS-CBN News

Posted at Mar 01 2017 08:59 AM

Paroo't parito ang mga taong pumupunta sa Minor Basilica of the Black Nazarene o Quiapo Church para sa pagdiriwang ng Ash Wednesday ngayong araw.

Alas-5:00 ng madaling araw nagsimula ang unang misa, na pinangunahan ni Rev. Fr. Raoul Salgado.

Oras-oras ang misa hanggang alas-7:00 ng gabi, maliban sa ala-1:00 hanggang alas-3:00 ng hapon.

Bukod sa nakaugaliang novena, pumila rin ang mga Katoliko para magpalagay ng abo sa noo, bilang tanda pagsisimula ng Kuwaresma.

Galing ang abo sa sinunog na palaspas na binasbasan noong nakaraang taon.

Marka ang abo ng krus sa noo bilang pagsisisi sa mga kasalanan.

Kasabay rin nito ang paanyaya ng simbahan sa mga nagsimba na gumawa ng mabuti at tumulong sa kapwa.

Isa sa mga tradisyon kapag Ash Wednesday ang pag-aayuno at abstinensiya.

Sa kalendaryo ng simbahan, dalawang araw inoobliga ang mga Katoliko sa ganitong pag-aayuno -- tuwing Ash Wednesday at Good Friday.

Pakiusap ng simbahan sa mga mananampalataya, huwag gawing pamporma ang abo sa noo, lalo't nakikiuso lang daw ang ibang nagpapalagay nito..

Dagdag pa ng simbahan, panahon ang Kuwaresma ng pagninilay-nilay. --Ulat mula kay Bianca Dava, ABS-CBN News.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.