Magpinsan patay sa riding-in-tandem

ABS-CBN News

Posted at Mar 01 2017 09:00 AM

Patay ang magpinsan matapos pagbabarilin ng mga hindi pa nakikilalang suspek sa Luzon Avenue corner Olivas Street, Barangay Pasong Tamo, Quezon City ngayong Lunes.

Kinilala ang mga biktimang sina Jomar Palomar at Juday Escalona, parehong 22-anyos.

Batay sa paunang imbestigasyon, papasok sana sa trabaho at bibili sana ng pambaong noodles si Palomar, kasama si Escalona nang bigla silang lapitan at barilin sa ulo ng mga salaring magkaangkas sa motor.

Naitakbo pa sa East Avenue Medical Center si Escalona pero dead on the spot si Palomar na isang construction worker.

Ayon sa ilang residente, may nakita silang ilang motorsiklo na nakatambay sa lugar bago nakarinig ng limang putok.

Nasa drug watchlist umano ang dalawa pero hindi kabilang sa mga na-'Tokhang' ng mga pulis.

Hindi rin umano gumagana ang CCTV sa harapan ng bahay na pinangyarihan ng krimen.