Tamang pagpapaaraw nakatutulong sa pag-iwas sa respiratory disease - eksperto

ABS-CBN News

Posted at Feb 29 2020 05:48 PM | Updated as of Feb 29 2020 06:27 PM

MAYNILA - Nakatutulong sa pag-iwas sa mga respiratory disease ang tamang pagpapaaraw, ayon sa isang public health expert, sa gitna ng pagkalat ng coronavirus disease 2019 (COVID-19). 

"You need 20 minutes of sunshine every day and that's a good way of preventing respiratory disease," ani Dr. Susan Mercado, dating undersecretary ng Department of Health (DOH).

Sa panayam ng DZMM, sinabi ng eksperto na ang Vitamin D na nakukuha sa araw ay nakatutulong sa pagpapalakas ng immune system.

"Kaya 'pag winter sa ibang bansa, talagang nagkakasakit. Higit sa malamig, madilim, walang araw. All of these, it weakens the immune system," ani Mercado, na ngayo'y deputy secretary-general ng Centers for Health in Humanitarian Action ng Philippine Red Cross.

"Hindi tayo maka-relate do'n eh. Palaging mainit at laging lalabas 'yong araw [dito]. Actually, pasalamat tayo maraming araw," dadgag niya.

Sa kabila ng pagkalat ng COVID-19 na nakapagdudulot ng respiratory infection, naobserbahan ni Mercado na mabilis kumalat ang sakit sa mga lugar na may malamig na klima, gaya ng China, Japan, Italy at South Korea.

"In the 2 months we've seen this virus, hindi natin siya nakikita na kumakalat ng sukdulan sa lugar na mainit, na marami, na libo-libo," aniya.

Base sa datos ng World Health Organization (WHO) nitong Biyernes, Pebrero 28, nakapagtala na ng higit 78,000 na kaso ng impeksiyon sa China, kung saan nagmula ang sakit. 

Karamihan dito ay nasa Hubei province na sentro ng outbreak at may daily average temperature na 7 degrees Celsius noong Enero at 10 degrees Celsius nitong Pebrero.

Sa hiwalay na panayam ng DZMM, sinabi ni Health Secretary Francisco Duque III na hindi sigurado kung may kinalaman ang klima sa bilis ng pagkalat ng virus.

"Ang Singapore, ang Malaysia maiinit din 'yan pero mayroon sila. In fact, ang Singapore nga mayroon silang local transmission. Siguro hindi gano'n ka agresibo 'yong virus sa maiinit na lugar pero hindi naman nangangahulugan na hindi siya tatama," aniya.

May 96 na kaso ng COVID-19 ang Singapore habang 24 naman sa Malaysia.

Nakapagtala naman ng 3 kaso ng coronavirus ang Pilipinas, kung saan isa ang namatay habang nag-negatibo na sa sakit ang 2 iba pa. Pareho silang mga Chinese na galing sa Wuhan City, Hubei province.

Sa kasalukayan, may binabantayan ang mga awtoridad na 30 pasyente na posibleng may novel coronavirus.

Watch more in iWant or TFC.tv