Mga Pinoy sa S.Korea nababahala sa pagtaas ng mga kaso ng coronavirus

ABS-CBN News

Posted at Feb 29 2020 01:07 PM | Updated as of Feb 29 2020 01:35 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MAYNILA - Ilang mga Pilipinong nakabase sa Gumi, South Korea ang nais nang makauwi ng Pilipinas dahil na rin sa pagdami ng kaso ng coronavirus disease 2019 sa bansa.

Ayon kay Woody Ferrer Delas Alas, chairman ng Filipino community sa Gumi, apektado ang mga Pilipino sa lugar dahil marami sa kanila ang hindi na pinapapasok ng kanilang mga employer at nananatili na lamang sa kanilang mga bahay.

"Mayroong gustong umuwi. Nagaantabay po ang ating mga kababayan sa abiso ng ating embahada kung ano gagawin nila sa kasalukuyan lalo't kumakalat ang virus," sabi ni Delas Alas.

Sa panayam sa DZMM Sabado ng umaga, sinabi ni Delas Alas na may mga Pilipinong nagtatanong na sa kaniya hinggil sa abiso ng embahada. 

"Ang ating embahada wala pang ipinararating sila. Ano man po ang gusto nila (embassy) na iparating sa kanila (Filipino community) tungkol po sa pag-uwi, nakahanda naman po 'yung iba sa ating mga kababayan," sabi niya.

Ang Gumi ay may 30 minuto lamang umano ang layo mula sa Daegu City kung saan may outbreak na ng COVID-19.

"Ang iba gustong makauwi, magpapalipas ng coronavirus na 'yan. May mga kababayan din ang sadyang ayaw umuwi kasi kung uuwi sila baka may dalang virus ay makahawa pa sa ating mga kababayan kaya mag-stay na lang sila dito," sabi niya.

Nitong Miyerkoles, pinagbawalan na ng Malacañang ang mga Pilipinong turista na magtungo sa South Korea dahil sa banta ng COVID-19.

"Kami po may mga listahang nakahanda talaga sa mga kababayan natin na halimbawa po may abiso ang ating embahada, isa ako sa uuwi. May mga listahan po ang aming community," sabi niya.

Umapela din si Delas Alas sa embahada na matulungan silang mapunan ang kakulangan sa face mask, sanitizer at alcohol para sa mga Pilipino sa Gumi at Daegu.

"Kami po ay nananawagan sa ating embahada na kung maaari po, sa mga lugar na may makukuhanan silang face mask, sanitizer, alcohol ay kami po ay mapadalhan dito sa Gumi at sa kalapit naming Daegu. Kailangang, kailangan po nila ang sanitizer at face mask sa lugar na iyon," saad niya.

Sa pinakahuling tala, umabot na sa 2,931 ang mga taong nahawahan ng coronavirus sa South Korea kung saan nasa 16 naman ang bilang ng mga nasawi.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.