Jeep nahulog sa bangin, 30 sugatan

Jay Dayupay, ABS-CBN News

Posted at Feb 29 2020 02:02 PM | Updated as of Feb 29 2020 05:13 PM

Agad namang nasaklolohan ang mga estudyanteng sakay ng jeep na nahulog sa banging may 40 talampakan ang lalim sa Barangay Olympog sa General Santos City. Jay Dayupay, ABS-CBN News

(UPDATE) Nahulog sa bangin ang isang jeep na ikinasugat ng 30 katao sa Purok Balakayo, sa Barangay Olympog, General Santos City, Sabado ng umaga.

Ayon kay Dr. Bong Dacera, action officer ng City Disaster Risk Reduction and Management Office, sa 32 kataong sakay ng jeep na minamaneho ni Francis Solicito, 28 ay mag-aaral ng Polomolok National High School.

Posible umanong nawalan ng preno ang jeep.

Ayon kay Purok Chairman Rogelio Paglinawan, nag-overnight ang mga estudyante sa Sanchez Peak, isang tourist site sa lugar at pauwi na sana sa Polomolok, South Cotabato nang mahulog ang jeep sa bangin na may 40 talampakan ang lalim.

Agad namang nagsagawa ng rescue operation ang barangay at Bureau of Fire Protection.

Ayon sa may-ari ng jeep na si Jen Omero, hindi pampasaherong jeep ang kanilang sasakyan kundi gamit sa pag-biyahe ng mga pinya mula sa isang plantasyon.

Kinontrata lang umano sila ng mga estudyante na maghatid-sundo.

Dagdag naman ni Dacera, tanging lima na lamang ang nananatili sa ospital dahil sa mga natamong major injury.

Ang Sanchez Peak ay sikat na tourist destination na isinusulong ng lokal na pamahalaan kung saan puwedeng mag-overnight.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.