Cash incentives para sa mga senior citizen na edad 80 at 90, inihain sa Senado

ABS-CBN News

Posted at Feb 29 2020 01:26 PM

MAYNILA - Isinusulong ni Sen. Leila de Lima ang panukalang pagbibigay ng cash incentives sa mga senior citizen na aabot sa 80 at 90 taong gulang.

Nakapaloob sa Senate Bill No. 1319 na ang mga aabot sa edad 80 ay dapat bigyan ng P10,000 na incentive. Karagdagang P10,000 naman ang makukuha kapag sumapit ng 90.

“It is a privilege to age and celebrate the gift of life that God gave us. But as we reach old age, the decline of the senior citizens’ productive capacity exposes this sector to various vulnerabilities, and the government must be there to afford them the support they need together with their families," ani De Lima.

Sa kasalukuyang batas na Republic Act 10868 o Centenarians Act of 2016, ang mga senior citizen na umaabot sa 100 ay binibigyan ng P100,000.

Ayon sa Department of Social Welfare and Development (DSWD), madalas ay hindi nakapagbibigay ng incentive na ito dahil hindi na umaabot sa edad 100 ang mga senior.

Base sa datos ng World Health Organization noong 2018, nasa edad 69.3 ang average life expectancy ng mga Pilipino, mas mababa ng 3 taon sa global average na 72.

"Even more unfortunately, many, if not most, of our centenarians are already too old, sickly, and impaired to properly enjoy the blessings of the Centenarian Law,” dagdag ni De Lima.