Aabot sa 300 bahay sa Cebu, natupok; sunog nagsimula umano sa posporo

Donna Lavares, ABS-CBN News

Posted at Feb 29 2020 08:20 PM

Mga 300 bahay ang naabo sa isang malaking pagsiklab sa Barangay Ibabao Estancia sa Mandaue City, Cebu Sabado, Peb. 29, 2020.


MANDAUE, Cebu—Aabot sa 300 bahay ang natupok sa isang malaking pagsiklab sa Barangay Ibabao Estancia sa lungsod na ito Sabado.

Bandang alas-12 ng tanghali nang matanggap ng Mandaue City Fire Department ang alarma ng sunog.

Dahil maglakadikit ang mga apektadong bahay, nahirapan pumasok ang mga bombero at firetruck sa lugar dahil sa makipot na daan. Ilang mga fire volunteer ang kinailangan ding umakyat sa bubong para maapula ang sunog.

Ala 1:08 ng hapon naapula ang sunog.

Gawa sa light materials ang mga bahay kaya madaling natupok ang mga ito. 

Sa imbestigasyon ng fire department, nagsimula ang sunog sa pinapaupahang bahay ng isang Ruel Mantos. Mga batang naglalaro ng posporo umano ang sanhi ng sunog.

Lahat ng biktima ng sunog ay kasalukuyang nakatira sa gym ng barangay.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.