2 rebelde patay sa sagupaan sa Negros Oriental

Martian Muyco, ABS-CBN News

Posted at Feb 29 2020 10:21 AM

Patay ang dalawang kasapi umano ng rebeldeng grupong New People's Army (NPA) matapos makaengkuwentro ang mga sundalo mula sa 62nd Infantry Battalion ng Philippine Army sa Barangay Binobohan, Guihulngan City, Negros Oriental, Biyernes ng gabi.

Ayon sa tagapagsalita ng 3rd Infantry Division ng Philippine Army na si Capt. Cenon Pancito, nagsasagawa ng combat operations ang mga sundalo bilang pagresponde sa naiulat na mga panggugulo umano ng mga rebelde nang mangyari ang engkuwentro.

Nasa 20 umanong rebelde ang nakasagupa ng mga sundalo ng halos 12 minuto.

Sabi ni Pancito, dalawa ang nalagas sa hanay ng mga rebelde at wala namang nasugatan sa tropa ng pamahalaan.

Kapwa miyembro umano ng Special Partisan Unit ng NPA ang dalawang napatay na rebelde.

Bukod sa mga labi ng dalawang rebelde, narekober din sa lugar ang tatlong baril at apat na magazine na may lamang bala.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.