13 babae nasagip sa Zamboanga

ABS-CBN News

Posted at Feb 29 2020 06:55 AM

Naligtas ng mga awtoridad ang 13 babae na biktima ng human trafficking sa isang motel sa Zamboanga City nitong Huwebes.

Ayon sa lokal na National Bureau of Investigation (NBI), noong isang linggo pa dumating sa naturang siyudad ang mga biktima na nagmula sa iba’t ibang lugar sa Luzon.

Pinangakuan umano sila ng magandang trabaho ng kanilang recruiter sa Dubai pero nagtaka ang ilan kung bakit sa southern backdoor sila pinapadaan papunta sa nabanggit na bansa.

Binigyan sila ng mga pekeng dokumento at show money pagdating sa Malaysia para umano makalusot sa mga awtoridad at sasakay na sana sila ng eroplano papuntang Dubai.

Walang pinirmahang employment contract at hindi rin binigyan ng working visa papuntang Dubai ang mga biktima.

Naaresto naman sa operasyon ang 2 recruiter ng mga biktima pero mariin nilang itinanggi na sila ang direktang nag-recruit sa mga ito.

Ayon sa kanila, binayaran lang sila ng kanilang kaibigan para tulungan ang mga biktima na makasakay sa barko papuntang Malaysia.

Sila rin umano ang naghanap ng pansamantalang matutuluyan ng mga biktima habang nasa Zamboanga City.

Matatapos umano ang kanilang trabaho kung makarating na sa Malaysia ang mga biktima kung saan may ibang tao ding sasalo para tulungan ang mga ito.

Dalawang libong piso kada tao umano ang bayad sa kanila.

Sa ngayon, nakakulong ang dalawa sa selda ng lokal na NBI at nahaharap sa kasong paglabag sa Anti-Trafficking in Persons Act of 2003.- Ulat ni RJ Rosalado, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.