PatrolPH

Public transport mas magluluwag sa Alert Level 1

ABS-CBN News

Posted at Feb 28 2022 08:00 PM

Watch more News on iWantTFC

MAYNILA — Pagpatak ng Martes, Marso 1, ilalagay na sa Alert Level 1 o pinakamababang antas ng paghihigpit ang Metro Manila.

Ibig sabihin, goodbye na sa plastic divider at puwede nang magtabi-tabi sa pampublikong transportasyon. Bata, matanda, o kahit may comorbidity, mas malaya nang makakapag-commute.

Para sa mga jeepney driver na isa sa mga unang naapektuhan ng kabi-kabilang mga restriction mula nang magpandemya, umaasa silang magbabalik na rin ang dating kita.

Isang araw bago ang Alert Level 1, balik-sigla na rin ang PITX.

Ayon sa pamunuan, ganito rin karami ang bilang ng mga pasahero bago magpandemya.

"Kahit papaano nakikita natin bumabalik na sa normal. Siguro ang hindi na lang normal dito 'yung nakikita natin na nagsusuot pa rin ng face mask," ani PITX spokesman Jason Salvador.

Pinag-aaralan na ng MMDA kung tuluyan nang ibabalik o daragdagan ang kasalukuyang number coding sa Metro Manila, mula alas-5 ng hapon hanggang alas-8 ng gabi.

Ang NAIA naman, bubuksan nang muli ang Terminal 4 na naunang isinara para mabawasan ang gastos nitong pandemya.

"Dumadami na po lalo ang domestic flights natin. Kailangan natin maiwasan ang congestion sa sa Terminal 3. During the pandemic sinarado natin ang Terminal 4 dahil wala masyadong flights," ani Ed Monreal, general manager ng Manila International Airport Authority.

Sa railways, balik-punuan na ulit pero required pa rin ang mag-face mask at temperature check bago sumakay.

—Ulat ni Jacque Manabat, ABS-CBN News
 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.