PatrolPH

Lalaking nakabisikleta patay sa hit-and-run sa Quezon City

ABS-CBN News

Posted at Feb 28 2022 04:47 PM

Nakuhanan ng CCTV ang pagsalpok ng isang kotse sa isang lalaking nagbibisikleta sa may Barangay Sacred Heart, Quezon City noong Pebrero 25, 2022. Screengrab mula sa footage ng Barangay Sacred Heart
Nakuhanan ng CCTV ang pagsalpok ng isang kotse sa isang lalaking nagbibisikleta sa may Barangay Sacred Heart, Quezon City noong Pebrero 25, 2022. Screengrab mula sa footage ng Barangay Sacred Heart

Nakuhanan ng CCTV ang pagsalpok ng isang sasakyan sa isang nagbibisikletang teenager sa Barangay Sacred Heart, Quezon City, na ikinasawi ng biktima.

Sa CCTV footage, na nakuha nitong Lunes ng ABS-CBN News, makikitang sinalpok ng kotse — na noo'y mabilis ang pagpapatakbo — ang bisikletang sinasakyan ni Mark Joseph Crisostomo sa may Scout Torillo noong gabi ng Biyernes.

Agad itinakbo sa East Avenue Medical Center ang 19 anyos na biktima pero ilang oras din ay binawian ito ng buhay.

Ayon sa imbestigador na si Staff Sgt. Darwin Peralta, "may posibilidad na nakainom 'yong driver."

"Hindi naman [magpapatakbo] nang ganoong kabilis kung nasa katinuan ang driver," ani Peralta.

Pauwi noong gabing iyon si Crisostomo, na pangarap umanong maging sundalo, mula sa training sa Camp Aguinaldo.

Patuloy na nangangalap ang mga awtoridad ng mga CCTV footage para malaman ang pagkakakilanlan ng driver ng sasakyan.

— Ulat ni Zyann Ambrosio, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.