Philippine Councilors League nagdeklara ng failure of elections

Kevin Manalo, ABS-CBN News

Posted at Feb 28 2020 03:43 AM | Updated as of Feb 28 2020 06:51 PM

Watch more in iWantTFC

Idineklarang failure of elections ang halalan ng Philippine Councilors League nitong Huwebes matapos umanong magkaroon ng glitch sa sistema ng device na gagamitin sana ng mga bobotong konsehal. 

Tatlo hanggang apat na beses inulit ang test sa mga election device pero pare-parehas na may problema kaya napagkasunduan na lang ng election board na ideklara ang failure of elections. 

Uminit ang ulo ng mga konsehal dahil nasayang ang kanilang oras sa paghihintay, pati ang pera ng bayan na ginamit sa kanilang official business.

Para sa konsehal ng Bani, Pangasinan na si Amelia Olores nasayang ang kanilang oras at pera ng bayan. Natengga kasi siya at ang halos 12,000 konsehal mula sa iba’t ibang bahagi ng bansa sa convention center sa Pasay City ng limang oras.

“When you’re going to vote on a name of one of the candidates ang lumalabas ‘yung isa. There are a lot of councilors na ready na to vote at ang registered ay 15,888. They found out that there are glitches. Malaking aberya, in the first place pera ng bayan po ito. Saka po ‘yung right po namin na pipili kung sino mamumuno, nationally,” ani Olores.

Prinesenta ng ilan sa mga dumalong konsehal na gawing manual na lang ang botohan pero hindi ito umano agad inaksyunan ng election board.

“We demanded for manual. Nagconvene ang Comelec there is grave doubt sa integrity. Ang problema hindi sila bumaba sa plenary para ipaliwanag. Doon nagalit ang tao dahil ang tagal nila naghihintay. Hindi biro ang pera ng gobyerno na nasayang natin. Dapat sinigurado po na the system will work,” ani Atty. Miles Raquid Arroyo, Naga City Councilor, PCL national executive.

Kasunod ng nangyaring aberya sa halalan, naglabas naman ng pahayag ang Philippine Councilors League. Anila, bumuo na sila ng ad hoc committee na makikipagugnayan sa Department of Interior and Local Government para sa panibagong schedule ng halalan sa loob ng 60 araw.

Pinaiimbestigahan din ng National Board ang nangyaring failure of elections.

Hindi na rin umano pinaboran ang manual elections dahil nakaalis na ang karamihan sa mga bobotong konsehal at pumayag ang magkabilang partido na resolusyon ng National Board.

Magkatunggali sa posisyong National Chairperson ang nakaupong si Davao City Councilor Danilo Dayanghirang laban kay Polangui Councilor Jesciel Salceda.

Lubos namang umaasa ang mga konsehal na lumuwas pa sa Maynila mula sa kanilang mga bayan na agad aaksyunan ang insidente, malaman ang puno’t dulo ng glitches sa mga election device, at makapagtalaga ng mga uupong opisyal para sa kanilang liga.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.