Kumander ng MILF na kabilang sa Mamasapano encounter, timbog sa ospital sa Cotabato City

ABS-CBN News

Posted at Feb 28 2020 04:32 AM

Hinain sa isang kumander ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) ang isang warrant of arrest sa Cotabato City matapos mapag-alamang bahagi siya sa mga nasasakdal sa naganap na Mamasapano encounter.

Sa hawak na arrest warrant ng lokal na police Criminal Investigation and Detection Group, kabilang ang suspek na si commander Haraeman sa 88 na sinampahan ng 44 counts ng direct assault with murder sa naganap na engkwentro.

Dahil sa karamdaman, naka-hospital arrest muna sa ngayon ang suspek na si Commander Haraeman o kilala rin bilang alyas Abu Halil at alyas Abuhalil Dumamba at kapag bumuti na ang kalagayan, saka ito dadalhin sa korte.

Tatlo pa lamang sa 88 ang napapasakamay ng mga awtoridad at ang 2 sa mga ito ay pansamantalang nakalaya na matapos payagang makapagpiyansa. 

Nagsilbi umano si Commander Haraeman bilang operations officer ng MILF nang maganap ang madugong Mamasapano encounter noong Enero 2015 kung saan 44 miyembro ng special action force ng pulisya, 18 MILF combatant at 7 sibilyan ang nasawi.

Lumantad na sa media si Commander Haraeman upang depensahan ang kanilang grupo noong Pebrero 2015.-Ulat ni Arianne Apatan, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.