Eleksyon ng mga opisyal ng Philippine Councilors League, nagkaaberya

ABS-CBN News

Posted at Feb 28 2020 01:42 AM | Updated as of Feb 28 2020 03:21 AM

MAYNILA - Hindi natuloy ang paghalal sa mga opisyal ng Philippine Councilors League matapos magkaroon ng aberya sa voting machine Huwebes.

Nagkasundo na ang magkatunggaling partido na ipagpaliban na lang sa ibang petsa ang halalan ng mga opisyal ng PCL.

Ayon kay Pasay City Police Deputy Chief Lt.Col. Deanry Franciso, nagkaroon ng tensiyon kanina sa SMX Convension Center sa Pasay City dahil sa nagkaaberyang voting machine na ginamit sa halalan ng mga national officers ng PCL.

Ayon kay Francisco, ilan sa mga bumoto ang nagreklamo dahil sa umano'y maling mga pangalan na lumabas sa resibo na taliwas sa mga pangalan ng ibinotong kandidato.

Magkatunggali sa posisyong national chairman ng PCL sina Davao City Councilor Danny Dayanghirang na siyang incumbent national chairman at si Jesciel Richard Salceda ng Polangui, Albay.

Wala pa namang desisyon kung kailan at saan isasagawa ang halalan ng PCL officers.

Sa impormasyon mula sa Pasay Police, nasa isang pulong pa ngayon ang mga opisyal ng PCL kasama ang hepe ng Pasay City Police at district director ng Southern Police District sa isang hotel malapit sa venue ng kanilang halalan kanina.

- ulat ni Dexter Ganibe, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.