Babae sugatan matapos mabangga ng truck sa Lucena

ABS-CBN News

Posted at Feb 28 2020 01:31 AM

QUEZON - Nakahiga sa kalsada at namimilipit sa sakit dahil sa tinamong sugat ang isang babaeng nabangga ng truck sa Lucena City nitong Miyerkoles ng gabi.

Ayon sa nakakita, tumatawid lang ang biktimang si Felita Villamina sa may riles sa Eco-Tourism Road sa Barangay Salinas nang mabangga ng sasakyan. 

"Nasa ilalim na ‘yung babae. Nag-iiyak, nahingi ng tulong. Pinara ko yung trak at sabi ko ay hindi natigil eh," ani Florian de Castro, residente sa lugar. 

Nagtulong-tulong ang mga kabarangay nito na madala siya sa ospital lulan ng pribadong sasakyan.

Tinakasan ng nakabanggang driver ang biktima at inabandona ang truck at pahinante nitong si Michael De Leon. 

Depensa niya, hindi umano nila napansin na tumatawid ang babae sa pedestrian.

"Hindi ho namin napansin eh. Gawa ng dito laang ng makita ng mga tao...mabagal laang po. Hindi naman po kabilisan," ani De Leon.

Kinilala ni De Leon ang truck driver na si Ruel Anyayahan, residente ng Barangay Castañas, Sariaya, Quezon.
 
Ayon sa Police Maj. Marcelito Platino ng Lucena Police, posibleng kawalan ng wiper ng truck ang naging dahilan kaya 'di napansin ang tumatawid na biktima habang umuulan.

Accident-prone umano ang madilim na bahagi ng kalsada, kaya pinag-iingat ng awtoridad ang mga motorista at pedestrian.

Patuloy na nagpapagaling ang biktima sa ospital habang nakasuhan na ng reckless imprudence resulting in physical injury at paglabag sa Revised Penal Code ang suspek matapos takasan ang responsibilidad sa biktima.-Ulat ni April Magpantay, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.