4 patay sa pagsalpok ng kotse sa truck sa Quezon

ABS-CBN News

Posted at Feb 28 2020 11:45 AM

Nag-overtake umano ang kotse at sumalpok sa kasalubong na truck sa Barangay Panikihan sa bayan ng Gumaca sa Quezon. Larawan mula sa Gumaca Municipal Police Station

GUMACA, Quezon – Patay ang apat na katao matapos na sumalpok ang kanilang sasakyan sa kasalubong na trak sa bahagi ng Maharlika Highway sa Barangay Panikihan ng naturang bayan, Biyernes ng madaling araw.

Ayon kay Police Senior Master Sergeant Rex Marvin Balago, nag-overtake sa sinusundang van ang kotse habang binabaybay ang pakurbadang bahagi ng highway patungo sa direksiyon ng Bicol.

Nabulaga umano ang 33-anyos na driver ng kotse na si Joseph Dumlao sa kasalubong na trak kaya hindi na niya naiwas pa ang kotse at tuluyan nilang nasalpok ito.

Dead on arrival sa Gumaca District Hospital si Dumlao na magdiriwang sana ngayong araw ng kaniyang kaarawan.

Nasawi rin ang tatlo sa apat na magkakamag-anak na pasahero niya na sina Rozalie Soldevilla, 35-anyos, na kaarawan naman noong Huwebes; Raquel Soldevilla, 42; at Rodolfo Soldevilla, 70.

Nagtamo naman ng matinding pinsala sa katawan si Roxanne Soldevilla, 25, at patuloy na nagpapagaling sa ospital.

Nasa pangangalaga na ng pulisya ang 34-anyos na driver ng trak na si William Pelareja na magdedeliver lang sana ng mga scrap metal sa Calaca, Batangas.

Paliwanag ni Pelareja, nasa tamang linya siya at ‘di na niya naiwasan ang paparating na kotse.

Bagamat hindi niya umano kasalanan ang aksidente, humihingi siya ng tawad sa pamilya ng mga nasawi. Nakikipag-ugnayan na rin umano ang kaniyang employer sa kaanak ng mga biktima.

Ayon sa pulis, ang driver ng kotse ang nagkamali kaya posibleng ‘di na masampahan ng kaso ang truck driver.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.