2 Pinoy galing Japan na na-ospital negatibo sa COVID-19; 3 iba pa sinusuri

ABS-CBN News

Posted at Feb 28 2020 08:09 PM

Watch more in iWantTFC

Matapos magnegatibo sa coronavirus disease 2019 (COVID-2019) ang dalawang Pinoy na na-quarantine sa New Clark City mula sa isang Japan cruise ship, dalawang Pinoy pa ang isinugod sa ospital matapos makitaan ng sintomas ng nasabing sakit. 

Ayon kay Health Secretary Francisco Duque III, nakunan na ng sample ang dalawang repatriate matapos makaranas ng sore throat. 

“There are two more repatriates who were brought to a referral health facility because of sore throat. Their specimens were collected and sent for testing,” ani Duque. 

Bukod sa kanila, hinihintay rin ang lab test ng isa pang pasyente na isinugod din sa ospital noong Huwebes. 

Sa ngayon, nasa 85 Pinoy na ang tinamaan ng COVID-19. Walumpu sa mga ito ay nasa Japan at pawang mga crew ng Diamond Princess. 

Sampu sa kanila ang gumaling na at walo na ang nakauwi ng Pilipinas. 

Samantala, sa susunod na linggo malalaman kung ikakasa na ang repatriation ng mga Pinoy sa Macau. 

Sakaling matuloy, sinabi ni Duque na hindi naman sila kailangan sumailalim ng quarantine sa New Clark City. 

“If overseas Filipinos who wish to be repatriated are coming from Macau or South Korea and they show no symptoms, they will undergo home quarantine. They will just be patients under monitoring,” ani Duque. 

Watch more in iWantTFC

TOURIST TRAVEL BAN SA SOKOR IPINATUPAD NA

Sa ngayon, may ban din ang Pilipinas sa tourist flights sa South Korea. Pero hindi pa ito tuluyang matupad dahil wala pang ibinababang kautusan ang mga airlines. 

Nilinaw din ng mga awtoridad na hindi sakop sa ban ang mga turistang Pinoy na kukuha ng connecting flight sa South Korea, bago makarating sa kanilang destinasyon. 

Wala naman daw kasi anilang flight pa-Daegu, na episentro ng coronavirus outbreak. 

Siniguro naman ng Philippine Airlines na maaaring mag-rebook, reroute, o refund nang walang fees ang mga apektadong pasahero. 
Tatanggap din ng rebooking ang Cebu Pacific at ilalagay nila sa travel fund ang mga gusto ng refund. 

Magbibigay din ng opsyon ang Air Asia na i-credit sa account o mag-full refund ang mga apektadong pasahero. 

Nagdesisyon na rin ang Bureau of Immigration na ipatupad ang travel restriction sa South Korea pero nahihirapan silang magkaroon ng full implementation dahil hindi pa nasisimulan ang paghain ng South Korean government ng sertipikasyon na nagsasabing hindi dumaan ng North Gyeongsang, Daegu, at Cheongdo ang isang pasahero. 

Sakop din kasi ng travel restrictions ang mga biyaherong galing sa mga nabanggit na lugar. 

Hinihingan na rin ng resident registration certificate o national ID ang mga pasahero para makatiyak na residente ang mga ito ng South Korea. 

-- Ulat nina Raphael Bosano at Zen Hernandez, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.