PNP: Higit 27,000 kasong pagpatay sa loob ng higit 2 taon iniimbestigahan pa

ABS-CBN News

Posted at Feb 28 2019 05:13 PM

Umabot sa higit 27,000 ang naitalang kaso ng homicide mula noong July 1, 2016 hanggang Disyembre 31, 2018 na iniimbestigahan pa ngayon ng Philippine National Police (PNP), ayon sa kanilang inilabas na audit report. 

Sa tala ng PNP Internal Affairs Service, umaabot sa higit 27,974 ang bilang ng mga homicide cases under investigation (HCUI) o iyong mga kasong homicide na iniimbestigahan pa. 

Sa bilang na ito, nasa 4,800 o 17 porsiyento ang may kinalaman sa ilegal na droga. 

Nasa 18,494 o 66.11 porsiyento ang non-drug related na kaso, at 4,593 o 16.42 porsiyento naman ang bilang ng mga kasong nag-ugat sa reckless imprudence. 

"Pag sinabi nating drug-related, ito 'yung lumabas sa imbestigasyon na ang namatay ay user, o pusher, itong may mga placard na ‘huwag mo akong tularan, adik ako’," ani Inspector General Alfegar Triambulo ng PNP Internal Affairs Service.

Samantala, nangunguna ang Metro Manila sa bilang ng pinakamaraming kaso ng HCUI na nasa 2,463, sumunod ang Central Luzon na may 570 kaso, at Calarbazon na may may 484 kaso.

Tinitingnan ngayon ng PNP kung tinututukan ba o hindi ng mga pulis ang mga kaso ng pagpatay na may kinalaman sa ilegal na droga. 

"Titingnan natin kung umuusog (ang kaso) o hindi. Kaya natin ipina-o-audit 'yung mga folder para malaman natin kung mayroon silang follow up investigation [o] kung pinapatulog na lang nila," ani Triambulo. 

Batay sa datos ng pulisya, ang Autonomous Region in Muslim Mindanao ang may pinakamaraming kaso ng HCUI na may kinalaman sa droga. Nasa 87.5 porsiyento ng mga kasong ito ay naresolba na. 

Sa Central Luzon naman, nasa 3.86 porsiyento lamang ng HCUI na may kinalaman sa ilegal na droga ang naresolba na.

Nasa 5,714 o 20.43 porsiyento ang mga kasong kinasangkutan ng motorcycle riding criminals habang nasa 593 o 2.12 percent ang mga nakitang patay na may placard. 

Nasa 21,667 o 77.45 porsiyento ang namatay dahil sa stabbing, mauling, reckless imprudence at iba pa.

Ilan sa mga dahilan kung bakit nahihirapan ang awtoridad na maresolba ang mga drug-related killings ay dahil hindi makilala ang suspek o ang biktima, kawalan ng interes ng pamilya ng biktima na isulong ang kaso, kawalan ng CCTV footage sa pinangyarihan ng insidente, walang progress, investigation at SOCO report, walang testigo, at walang ebidensiya, ayon din sa audit report. 

Ayon sa datos mula sa Case Monitoring Division ng PNP Directorate for Investigation and Detective Management, ang mga patayan na may kaugnayan sa droga ay nag-ugat sa hindi pagbabayad ng utang, kompetisyon sa negosyo, non-remittance ng kita, o mga kaso kung saan ang biktima ay isang informant, civilian asset o hindi makapagbigay ng impormasyon.

Ayon sa PNP, patuloy nilang iniimbestigahan ang mga nasabing kaso. 

-- Ulat ni Maan Macapagal, ABS-CBN News 
 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.