P1.8-M halaga ng shabu, nasamsam sa Cebu City

Donna Lavares, ABS-CBN News

Posted at Feb 28 2019 11:11 AM

Sa Sitio Lahing Lahing, Barangay Mabolo naaresto ang dalawang lalaki kung saan nakuha sa kanila ang tinatayang nasa P1.4-milyong halaga ng hinihinalang shabu. Larawan mula sa Mabolo Police

CEBU CITY – Tinatayang nasa P1.8-milyon halaga ng hinihinalang shabu ang nasamsam mula sa 3 lalaking naaresto sa magkakahiwalay na buy-bust madaling araw ng Huwebes.

Unang naganap ang buy-bust sa A. Lopez Street sa Barangay Labangon kung saan naaresto ang 35-anyos na parking boy.

Nakuha mula sa kaniya ang 55 gramo ng hinihinalang shabu na nasa P400,000 ang halaga.

Ayon kay Chief Inspector Keith Andaya, ikinasa ang operasyon matapos silang makatanggap ng impormasyon hinggil sa ilegal na aktibidad ng suspek.

Sunod na nagkasa ng operasyon sa Sitio Lahing Lahing sa Barangay Mabolo na nagresulta sa pagkakaaresto sa dalawang high level target na sina alyas Jojo at Joshua.

Sinabi ni Chief Inspector Dindo Alaras, nahuli ang dalawa matapos na makabili ng dalawang malalaking sachet ng hinihinalang shabu ang isang nagpanggap na buyer.

Napag-alamang naaresto na noong nakaraang taon si Jojo dahil sa pagbebenta ng droga pero nagawa nitong makapag-piyansa matapos ang anim na buwan.

Nakumpiska mula sa dalawa ang nasa P1.4-milyon halaga ng hinihinalang shabu.

Iniimbestigahan pa ng awtoridad kung sino ang source nila ng droga sa lungsod.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.