Live-in partners na 'tulak' timbog sa buy-bust sa Cubao

ABS-CBN News

Posted at Feb 28 2019 12:47 PM

Balik-kulungan ang live-in partners matapos silang magkasamang maaresto sa buy-bust operation sa Cubao, Quezon City nitong Huwebes ng madaling araw. 

Nakabili kasi ng P500 halaga ng droga ang posuer buyer sa mga suspek na sina alyas Cancio at kinakasamang si alyas Lovely sa kanilang bahay sa Barangay San Roque.

Nasamsam sa kanila ang 20 sachet ng hinihinalang shabu. 

"Malapit kasi ito sa palengke kaya ang nangyayari sa aming validation, pagkabili sa kaniya doon na gagamitin, parang one-stop-shop," sabi ni Senior Inspector Ramon Aquiatan, hepe ng Cubao police. 

Ayon sa Cubao police, kasama sa top 3 ng kanilang drugs watchlist si Cancio.

Pareho na rin daw nakulong sina Cancio at Lovely sa kasong may kinalaman sa droga noong 2016.

Tinanggi naman ni Cancio na nagtutulak siya pero aminadong gumagamit. 

"Wala po kaming kakayahang bumili ng ganiyan karami," ani Cancio. 

Nahaharap ang live-in partners sa kasong paglabag sa Dangerous Drugs Act. 

—Ulat ni Anjo Bagaoisan, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.