Konsehal nahulihan ng ‘shabu’ sa CamSur, suspek giit na planted ang droga

Rizza Mostar, ABS-CBN News

Posted at Feb 28 2019 05:56 PM | Updated as of Feb 28 2019 11:50 PM

Ayon sa suspek, planted umano ang shabu na nakuha sa kaniya sa ginawang search operation sa bayan ng Lagonoy sa Camarines Sur. Rizza Mostar, ABS-CBN News

LAGONOY, Camarines Sur – Arestado ang isang municipal councilor matapos na mahulihan ng hinihinalang shabu sa isinagawang drug search operation sa kaniyang bahay sa Barangay San Isidro Norte dito sa bayan, Miyerkoles ng gabi.

Target ng operasyon si Konsehal Randy Texon na minanmanan ng awtoridad simula pa noong nakaraang taon. Si Texon ang itinuturong supplier ng mga nahuling drug suspect sa Lagonoy.

“Lumalabas ang pangalan niya. Hindi lang isa, dalawa, tatlo kundi may other information pa na nakukuha natin doon sa neighbor niya. ‘Yun na ang naging hudyat para magkaroon kami ng masusing pagmamanman,” ayon kay Police Major Ciriaco Pacer Jr., hepe ng Lagonoy Police.

Giit ni Texon, planted lamang ang narekober na 19 sachet ng pinaniniwalaang shabu sa kaniya. Dagdag niya, pulitika ang nasa likod nito.

“Alam naman ng mga tao na pulitika ang nasa likod nito. Masakit ang loob ko na ganyan ang nangyari sa akin, isa kasi ako sa mga nage-expose sa mga corruption sa bayan ng Lagonoy,” paliwanag ni Texon.

Reelectionist na konsehal si Texon at humiwalay sa linya ng pinsan niyang si Lagonoy Mayor Delfin Pilapil III.

Ikinatuwa naman ni Pilapil ang pagkakahuli kay Texon.

“Legit ang operation ng pulis, may mga testigo. Sabi ko nasa likod nila ako sa mga ganong operasyon. Walang kama-kamag-anak, kumpare,” ani ng alkalde.

Isinailalim sa drug test si Texon at isinunod ang inquest proceedings sa kaniya sa kasong possession and control of suspected illegal drugs.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.