DOH doctor, 6 iba pa huli sa buy-bust sa Mandaluyong

ABS-CBN News

Posted at Feb 28 2019 05:18 PM | Updated as of Feb 28 2019 07:19 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

(UPDATED) Isang doktor ng Department of Health (DOH) at anim na iba pa ang naaresto sa isinagawang buy-bust operation sa isang condominium sa Mandaluyong City, sabi ngayong Huwebes ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA).

Matapos makabenta ng shabu sa isang lalaking agent na nagpanggap na kostumer, dinampot ng mga operatiba ng PDEA si Vanjoe Rufo De Guzman, isang kawani ng DOH.

Kasama rin sa mga naaresto ang events organizer na si Francis Fajardo at college varsity player na si Andrea Flores.

Narekober mula sa condo unit ni De Guzman ang 50 gramo na shabu, limang bote ng liquid ecstasy, mga pang-injection at iba pang drug paraphernalia.

Umamin naman sa ilegal na gawain ang mga suspek, na nahaharap sa kasong paglabag sa Republic Act No. 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.

Sa isang pahayag, kinumpirma ng DOH na kawani nila si De Guzman simula Pebrero 2015 pero nagsimula raw itong mag-AWOL o lumiban nang walang paalam sa trabaho simula Nobyembre 2018.

Ilang beses na raw pinadalhan ng liham si De Guzman para pumasok sa trabaho pero hindi raw ito sumusunod kaya naglabas ang DOH ng order of separation laban sa doktor bilang bahagi ng disciplinary action.

Ayon pa sa DOH, ikokonsulta na rin nila ang kaso ni De Guzman sa Civil Service Commission para tuluyan itong ma-dismiss sa serbisyo.

-- May ulat nina Angel Movido at Johnson Manabat, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.