Babaeng nagtangkang mandukot ng bata, arestado sa Pasig

ABS-CBN News

Posted at Feb 28 2019 07:43 PM | Updated as of Feb 28 2019 11:16 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Naaresto ngayong Huwebes sa Pasig ang isang babae dahil sa umano ay tangkang pagdukot sa 3 anyos na lalaki.

Nakatayo malapit sa kanilang bahay sa Barangay Sumilang ang bata nang tangayin siya ni alyas "Cora," base sa imbestigasyon ng Pasig police.

Nakita umano ng tanod na si alyas "Cris" si Cora habang bitbit nito ang batang umiiyak.

Naalarma umano ang tanod kaya minanmanan ang suspek hanggang sa magkatitigan sila at bigla raw binaba ng suspek ang bata.

Hinuli ng mga taga-barangay ang suspek at dinala sa police station.

Iginiit ng ina ng suspek na may problema sa pag-iisip ang anak.

Mahaharap ang suspek sa kasong kidnapping.

Noong Lunes, naaresto ang isang lolang nangunguha umano ng mga bata sa Marikina at isang lalaking nangingidnap din sa Quezon City.

-- Ulat ni Arra Perez, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.