'Away pamilya' nauwi sa pamamaril sa Taytay

ABS-CBN News

Posted at Feb 28 2019 05:43 PM | Updated as of Mar 01 2019 08:00 PM

Watch more in iWantTFC

Sa kulungan ang bagsak ng 65 anyos na si Reynaldo Cortez matapos pagbabarilin at mapatay ang dalawa niyang kapatid sa kanilang compound sa Barangay San Isidro, Taytay, Rizal noong Huwebes.

Sabi ng mga pulis, nag-ugat ng kanilang away sa kung sino umano ang maghahatid sa kanilang ama papunta ng ospital.

Isinugod pa sa ospital ang nabaril na magkapatid na sina Nilo at Frederick pero binawian rin sila ng buhay.
    
Sugatan naman ang isa pa nilang kapatid na si Gonzalo Cortez.

Inabot ng dalawang oras ang paghahanap ng mga pulis kay Reynaldo na nagtago sa kanilang bodega.

Aminado ang suspek na dati na silang may problema ng mga kapatid pero hindi naman daw ito maiiwasan.

Humingi rin siya ng tawad sa nagawang krimen.

"Humihingi ako ng sorry. Sabi ko sa kanila magtulungan na lang tayo. Hindi talaga maiiwasan," ani Reynaldo.

Nahaharap si Reynaldo sa mga kasong multiple murder at illegal possession of firearms in relation to the Omnibus Election Code.

-- Ulat nina Bianca Dava at Arra Perez, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.