20 sugatan sa tumagilid na jeep sa Marcos Highway

ABS-CBN News

Posted at Feb 28 2019 11:08 AM | Updated as of Feb 28 2019 07:33 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Dalawampu ang nasugatan nang tumagilid ang isang pampasaherong jeep sa kahabaan ng Marcos Highway, Antipolo City nitong umaga ng Huwebes.

Tumagilid at dumausdos ang jeep nang mabangga ito sa isang motorsiklo, base sa kuha ng closed-circuit television (CCTV) sa insidente.

Nabangga pa ng jeep ang isang concrete barrier sa gilid ng kalsada bago tumigil, at ilang pasahero ang tumalsik at gumulong sa bangketa.

Ayon sa reklamo ng ilang pasahero, mabilis daw ang pagpapatakbo ng driver na si Rogelio Andres Narito.

Pero ayon kay Narito, hindi mabilis ang kaniyang takbo.

Inamin din ni Narito na nakainom siya noong gabi ng Miyerkoles pero nakatulog naman daw nang maayos.

Isinugod sa Amang Rodriguez Memorial Medical Center ang ilan sa mga biktimang nagtamo ng galos at bali sa buto.

Sinagot ng operator ng jeep ang pagpapagamot sa mga biktima.

Nagdulot ng pansamantalang pagsikip ng trapiko ang insidente.

-- Ulat nina Kori Quintos at Zhander Cayabyab, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.