Van nag-overtake, bumangga sa SUV sa Baguio

Marianne Claire Reyes, ABS-CBN News

Posted at Feb 28 2018 10:17 PM

Watch more in iWant or iWantTFC

Kuha ni alyas Boy

BAGUIO CITY - Sapul sa dashboard camera ang pagbangga ng isang van sa isang SUV sa Baguio nitong Sabado.

Papuntang Governor Pack Road si alyas Boy mag-aalas 10 ng umaga noong Sabado. Pero habang binabaybay ang kurbadang bahagi ng kalsada sa Bokawkan Road, nabigla siya nang banggain ng isang van ang minamaneho niyang SUV.

Sa kuha ng kanyang dashcam, kapansin-pansin na masikip ang trapik. May malaking truck na kasalubong pero biglang nag-overtake ang van. 

Dahil masyadong malaki ang truck, gumilid ang van. Nasagi ang SUV ni alyas Boy. 

Dahil bahagyang malakas ang pagkakasanggi, umuga pa ang SUV. Huminto ang van at nakipagtalo ang driver kay Boy. Iginigiit nitong kasalanan ni Boy ang nangyari. Nang mapansin daw nito ang dash cam, bigla daw itong umalis.

"Sige na sige na, ipapagawa ko na lang, sabi niya, tapos bigla nang umalis, bigla niyang hinarurot tapos sumingit singit na lang, umalis na," ani Boy.

Hindi na raw ito nahabol ni Boy dahil sa sikip ng trapik.

Ayon sa pulisya, base sa video, kasalanan ng driver ng van ang nangyari.

“Clear na may kasalanan yung nag-overtake na yun, 'di ka dapat nag-oovertake kasi yung kalsada paakyat, at the same time puno yung isang lane," ani police Chief Insp. Oliver Panabang, OIC ng Baguio City Police Traffic Enforcement Unit.

Nakuha naman ni Boy ang plate number kaya naipa-blotter ito. Ayon sa pulisya, maaaring sampahan ng reklamong reckless imprudence resulting in damage to property ang driver ng van.

“Kasi binangga niya tapos tinakbo pa, pwede nating habulin," ani Panabang.

Paalala ng mga pulis, maging disiplinado ang mga motorista para makaiwas sa disgrasya.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.