Suspek sa panloloob sa pawnshop, pinagbabaril matapos magpiyansa

ABS-CBN News

Posted at Feb 28 2018 01:41 PM | Updated as of Dec 17 2019 03:02 PM

Watch more in iWantTFC

Patay sa pamamaril ang suspek sa pagnanakaw sa isang pawnshop sa Batangas City, Martes. 
    
Ayon sa report ng pulisya, kalalabas lang umano sa kulungan ng 24 anyos na si Manuel Banay matapos magpiyansa nang mangyari ang insidente.
    
Sa kuha ng CCTV ng Barangay 9 sa Batangas City, makikita ang pag-counterflow ng isang motorsiklo sakay ang dalawang lalaki. 

Pumarada at lumapit ito sa isang nakatigil na jeep. 

Maya-maya ay isa pang motorsiklo ang nag-counterflow at tila sumenyas sa dalawa pang motor na lumapit din sa jeep. 
    
Bumaba rin mula sa motorsiklo ang isang backrider, lumapit sa jeep, at tila pinalibutan na ng iba pang angkas ng motor ang sasakyan.

Maya-maya pa ay nagsibabaan ang mga sakay nito. 

Pinagbabaril na pala ng mga lalaking naka-motor si Banay.

Si Banay ang suspek sa panloloob sa isang pawnshop sa Batangas City noong Pebrero 5 kung saan tinatayang umabot sa P11 milyong halaga ng pera at alahas ang natangay. 

Ang suspek rin ang itinuturong mastermind ng 'termite gang' na dati na ring nanloob sa ibang bayan sa Batangas.

Itinanggi ni Banay ang paratang, pero kilala niya umano ang mga nasa likod ng pagnanakaw.

Isa ang pagkakasangkot ni Banay sa krimen sa mga tinitingnang posibleng motibo sa pagpatay sa kaniya.

Nagpapatuloy ang imbestigasyon ng mga pulis para matukoy ang mga gumawa ng krimen.
    
Tumanggi munang magbigay ng pahayag ang mga kaanak ni Banay. --Ulat ni Fay Virrey, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.