SAPUL SA CCTV: Pamamaril sa isang mekaniko sa QC

ABS-CBN News

Posted at Feb 28 2018 07:44 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Pinaghahanap ng mga tauhan ng Quezon City Police District (QCPD) ang lalaking naaktuhan sa CCTV na bumaril at pumatay sa isang mekaniko sa may Kalayaan Avenue, Quezon City.

Ayon kay Senior Inspector Elmer Monsalve, lumalabas na planado ang pagpatay ng gunman noong Sabado sa biktimang si Emelito Andales, mekaniko sa isang pagawaan ng sasakyan sa may Kalayaan Avenue.

"Iyong gunman talagang kung titingnan mo lalo doon sa CCTV, talagang ang hinihintay iyong biktima," ani Monsalve.

"Ongoing investigation namin dito kung konektado ba (iyong pamamaril) sa trabaho niya," dagdag ni Monsalve.

Sa kuha ng CCTV, makikitang tumambay muna ang gunman sa isang tindahan at tila may inaabangan sa kalapit na pagawaan ng sasakyan.

Maya-maya ay lumakad ito patungo sa pagawaan habang saktong umatras ang sasakyang lulan si Andales at malapitang binaril ang biktima.

Sa kuha ng isa pang CCTV, makikitang mabilis tumakbo patakas ang gunman. Ayon sa mga testigo ay sumakay ito sa isang motorsiko.

Malinaw ang kuha ng CCTV kaya nakita ang mukha ng namaril.

Hindi naman matanggap ng pamilya ni Andales ang marahas niyang pagkamatay.

May sinisilip rin sila hinggil sa motibo ng krimen.

"May problema noong December, iyon ang alam ko. Tumulong doon sa kasamahan niya, siya nagresponde, kumuha ng pulis," sabi ng kapatid ng biktima.

Nanawagan ang QCPD na itawag sa kanilang Criminal Investigation and Detection Unit sa numerong 921-6146 ang anumang impormasyon sa gunman para sa agarang ikalulutas ng kaso.

-- Ulat ni Doland Castro, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.