Sanggol na natagpuan sa hukay, agaw-buhay sa ospital

Kate Delovieres, ABS-CBN News

Posted at Feb 28 2018 03:42 PM | Updated as of Oct 18 2018 06:36 AM

Agad itinakbo sa pagamutan ni Allan Celso ang bagong silang na sanggol na nakita niyang nakadapa sa mababaw na hukay, Miyerkoles ng umaga, Pebrero 28, 2018, sa Goa, Camarines Sur. Kate Delovieres, ABS-CBN News


GOA, Camarines Sur – Agaw-buhay sa pagamutan ang isang bagong silang na sanggol na nailigtas mula sa pagkakabaon sa lupa sa isang barangay dito sa bayan. 

Agad na dinala ang babaeng sanggol sa Goa Municipal Infirmary bago mag alas-6 ng umaga Miyerkoles. May mga sugat at puno pa ng lupa ang katawan ng sanggol.
 
Ayon kay Dr. Roger Atanacio, head doctor ng ospital, premature ang sanggol na posibleng magwa-walong buwan pa lamang nang ipanganak.

Ang 25-anyos na si Allan Celso ang nakakuha sa sanggol sa mismong bakuran ng kanilang bahay sa Barangay Bagumbayan Grande.

Nagtaka umano siya nang makita ang mga patak ng dugo sa labas ng kanilang bahay at ang mababaw na hukay na natatakpan ng sako. 

Nang hukayin, ikinagulat niya nang makita ang sanggol na nakadapa sa lupa. Gumagalaw pa ang sanggol kaya’t agad niyang isinugod sa pinakamalapit na ospital.

Naniniwala si Celso na sa tabi ng hukay nanganak mismo ang ina ng bata. Pero ipinagtataka lang nila kung bakit wala silang narinig na ingay at maging ang mga aso ay hindi rin kumahol.

Inilipat na ang sanggol sa ospital sa Naga City para mas masusing magamot at matutukan.

Oras na mailabas sa ospital ang sanggol, dadalhin siya sa pangangalaga ng municipal social welfare office.

Desidido ang social welfare office na matukoy kung sino ang ina ng sanggol at sino rin ang nagbaon sa kaniya sa lupa para mapanagot sa batas.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.