Pulis na taga-CamSur, patay sa pamamaril sa Albay

Erick Baldo, ABS-CBN News

Posted at Feb 28 2018 07:07 PM

Patay sa pamamaril ang isang pulis sa lungsod ng Ligao, Albay Miyerkoles ng tanghali. Erick Baldo, ABS-CBN News

LIGAO, Albay—Patay ang isang pulis matapos pagbabarilin ng hindi pa kilalang mga salarin sa kahabaan ng national highway sa Barangay Calzada sa lungsod na ito Miyerkoles ng tanghali. 

Kinilala ang biktima bilang si PO2 Daniel Ochoa na pababa na sana ng sasakyan nang tambangan ng mga salarin.

Pulis sa bayan ng Bula, Camarines Sur si Ochoa at pabalik na umano sana siya kasama ang 7 police trainee nang mangyari ang pamamaril.

"Sabi po ng classmate namin na nasa hulihan ng sasakyan, may napansin na sila malayo pa kami dito sa Ligao, may sumusunod po naka motor, riding in tandem," sabi ng isang kasama ni Ochoa.

Malapit sa isang karinderyang maraming kumakain nangyari ang insidente pero hindi umano nila nakilala ang riding-in-tandem.

"Agad na tumakbo 'yung mga kumakain dito, putok na lang narinig namin," ayon sa may-ari ng karinderya.
 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.