Pintor, habal-habal driver, dawit sa pagtutulak ng droga, timbog

ABS-CBN News

Posted at Feb 28 2018 03:55 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Arestado ang isang pintor sa Barangay San Antonio Agdao, Davao City matapos makuhanan ng isang revolver at mga pakete ng umano'y droga nang halughugin ang kaniyang tahanan ng mga awtoridad Martes ng gabi. 

Tinatayang nasa 11 pahabang sachet ng hinihinalang shabu ang natagpuang nakatago sa bahay ni alyas "Pedro" na isa umanong suplayer ng droga sa lugar.

Ayon naman kay Pedro, hindi sa kaniya ang mga gamit. May nakapasok na umano sa kaniyang bahay bago isinagawa ang search sa kaniyang kuwarto. 

Ayon naman sa pulisya, nababanggit lagi ang pangalan ni Pedro tuwing may mahuhuli silang nagbebenta o user sa lugar. 

"According sa mga arrested users natin, isa ito sa mga lugar na pinagkukuhanan nila ng suppply," ani Chief Inspector Arquiomedes Wesly, deputy ng Sta. Ana Police Station.
 
Samantala, arestado naman sa isang drug sa parehong lungsod Miyerkoles ng hatinggabi ang isang 43 anyos na habal-habal driver na si alyas "Ronald."

Nakuhanan ito ng tatlong sachet ng hinihinalang shabu at P500 na marked money. 

Pero giit niya, walang transaksiyong naganap at hindi rin umano sa kaniya ang mga droga. 

Mahaharap ang dalawa sa kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.

Posible namang madagdagan ng kasong illegal possession of firearms si Pedro dahil sa na-recover na baril sa kaniya. --Ulat ni Paul Palacio, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.