P5-M halaga ng ‘shabu’, nasamsam sa loob ng motel

Donna Lavares, ABS-CBN News

Posted at Feb 28 2018 10:03 AM | Updated as of Oct 17 2018 12:45 PM

Nasamsam ng awtoridad ang 400 grams ng hinihinalang shabu na tinatayang nagkakahalaga ng P5 milyon mula sa 23-anyos na lalaki, Pebrero 28, 2018, sa Cebu City.

Tinatayang P5-milyon halaga ng hinihinalang shabu ang nasamsam ng awtoridad mula sa isinagawang buy-bust operation sa loob ng isang motel, Miyerkoles ng madaling araw sa Cebu City.

Tatlong buwang surveillance operation umano ang ginawa ng Special Operations Unit ng Drug Enforcement Central Visayas bago tuluyang nahuli ang 23-taong gulang na suspek sa isang motel.

Nakuha mula sa kaniya ang 400 gramo ng hinihinalang shabu na nakasilid sa isang maliit na karton at tinatayang nagkakahalaga ng P5-milyon.

Ayon kay Superintendent Glenn Mayam, hepe ng DEU Central Visayas, hindi pa nila matukoy kung sino ang mga taong nagsu-supply ng droga sa suspek.

Inamin naman ng suspek na alam niya na droga ang laman ng kartong ipinadala sa kaniya ng isang alyas Siao.

Mas marami pang anti-drug operations ang ikakasa ng mga awtoridad bilang babala sa mga patuloy na nagbebenta ng droga sa lungsod.

Samantala, tatlong katao naman ang nahuli ng City Intelligence Branch sa Lapu-Lapu City na pawang nakuhanan ng hinihinalang shabu at pera.

Itinanggi naman ng mga ito na sa kanila ang droga.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.